KARUNUNGAN. Ito ang tema ng pagbasa natin ngayon.
Sa unang pagbasa, karunungan ang hiningi ni Haring Solomon sa Diyos. Hindi iya humingi ng kayamanan, hindi siya humingi ng kapangyarihan o mahabang buhay, bagkus, ang hiningi niya ay karunungan na kanyang gagamitin sa pamumuno sa Israel.
Ano ba ang kahulugan ng karunungan? Ang tanong na ito naman ang sinasagot ng Ebanghelyo. Ipinakita sa atin kung ano ang kahulugan ng pagiging marunong. Na ang karunungan ay ang kahandaan na ipagbili ang lahat, talikuran ang lahat, upang makamit ang mamahaling perlas. Ang “perlas” na iyo ay ang Diyos. ‘Yon ang karunungan. Ang hanapin ang Diyos at kapag natagpuan na’y huwag nang bitiwan, at sundin ang Kanyang kalooban.
Minsan, may nagtanong sa akin. Ano daw ba ang pagkakaiba ng MATALINO sa MARUNONG. Ano nga ba?
Kapag alam mong ang chemical composition ng shabu ay methamphetamine hydrochloride, matalino ka! Pero kapag naisip mo na ang shabu ay nakakasira ng utak, nakaksira ng kinabukasan at labag sa kalooban ng Diyos, at nagdesisyon kang iwasan ang shabu, hindi ka lang matalino, MARUNONG ka pa! That is wisdom using your knowledge, using your intelligence to obey the will of God. ‘Yon ang talagang marunong. Alam niya kung ano ang tama, at siya nya itong ginagawa. Matalino ka kapag alam mo ang methamphetamine hydrochloride, pero kapag sininghot mo ang usok ng methamphetamine hydrochloride, TANGA KA!!!
Mga kapatid, tingnan natin ang tao ngayon. Ang tao ngayon ay matalino. Napakatalino, Subalit kapus na kapos sa karunungan. Matalino, pero tanga. Matalinong tanga.
Matalino ang tao. Kaya nyang pag-aralan at intindihin ang mahihirap na kurso ng pilosopiya, medisina at abogasya, pero ang mismong sarili niyang pagkatao, hindi n’ya maintindihan.
Oo, matalino ang tao. Kaya n’yang mag-organize ng malalaking files sa computer, kaya nyang mag-ayos ng malalaking gulo, pero sariling buhay, hindi maiayos.
Matalino ang tao. Kayang-kaya n’yang magbuo ng malalaking organisasyon, kayang-kaya n’yang magbuo ng malalaking kumpanya. Matalino! Pero tanga, dahil sarili niyang pamilya hindi niya mabuo-buo.
Oo, matalino ang tao. Kaya n’yang i-solve ang mahihirap at komplikadong mathematical equations: xy+2xy+3xy. Kayang kaya nyang alamin kung ano ang equivalent ng X, kayang kaya nyang alamin kung ano ang value ng Y. Matalino! Pero tanga! Dahil yung simpleng 1-4-3, yung simpleng I love you, hindi nya alam ang kahulugan. Kaya lagi silang nagaaway na magasawa. Pati magulang nakalimutan na.
Napakatalino ng tao.Kaya nyang gawin ang tatlong bagay ng sabay sabay : Watching TV, reading, texting. Saby-sabay ‘yon. Kaya din nyang pagsabay sabayin ang tatlong boyfriends o talong girlfriends. Sabay sabay din iyon hindi nabubuking. Matalino. Pero tanga, o nagtatanga tangahan? Dahil gusto na niyang mag resign sa paglilingkod sa simbahan; hindi raw niya kayang pagsabayin ang paglilingkod at pagaaral?
Matalino ang tao, pero nang mainlove , nagpakatanga-tanga. Niloloko na , ay sige pa. Kahit konti sa sarili, hindi na nagtira. Hayun, nabuntis o nakabuntis, hindi tuloy nakatapos ng pagaaral.
Matalino. Nakapunta nga sa buwan e . Pero tanga. Dahil ang daan patungo sa simbahan, hindi niya matutuhan.
Oo, napakatalino ng tao. Pero tanga. Kaluluwa, ipinagpalit sap era. Buhay na walang hanggan, ipinagpalit sa kamatayan.
Ganyan ang tao. Ganyan tayo. Matalino pero tanga.
Matalinong tanga!
Matthew 13:44-52
Homily
Baliuag, Bulacan
24 July 2005
Fr. Ariel F. Robles

















==--
